Thursday, June 16, 2005

talinhaga ng ulan

dahil dala'y itim na payong
di makatingala
kaya't nakayuko na lamang

at sinusubaybayan bawat apak
habang dahang-dahang tinatahak
ang binahang daan

at kahit di mahimasmasan
ng tubig ulan
maraming talinhagang matutuklasan

ang mga bako-bako ay pinapatag
at mga kulang ay pinupunuan
ng biyayang pumapatak

1 comment:

Anonymous said...

- mga tanong ng ulan -

pasusukob ka ba sa
mga luha kong
bumubukal mula sa
kaibuturan?

payayakap ka ba sa
aking lamig,
amihang bitbit pa
mula sa ibayo?

makatatagal kaya sa
mga titig ng
matang makulimlim,
na maging sa sumisilip
na araw ay maramdamin?

padadala kaya
sa agos ng aking baha,
patungo sa dakong
malayo sa hinagap?

at makikinig sa
nakatutulig kong
hiyaw, kulog
sa maingay na kawalan?

ako ang ambong nakikiamot
sa halimuyak ng mga talulot,
hamog na nakikikumot
sa luntiang parang,
at delubyong palagi
nang nakaabang...