Here is one of such poems:
June 29, 2004
(08.11.06)
Matagal na pinag-isipan
kung dadayo sa pagdiriwang.
Nagdadalawang isip kung
tatahakin muli ang daang pa-Kalbaryo.
Ngunit dahil kaibigan ang turingan
Kahit batid na
Sa muling pagkikita
puso'y muling mapipilay
Hindi na bale!
Magsasaklay na lang ang puso
maghihilom din naman
kahit di alam kung kelan.
Pagkat sa ngiti mo ay mapapangiti,
At mabubuhay na muli.
Dahil sa saya sa mga mata mo'y
maligaya na rin ako.
Makikisaya na rin
Nagpapasalamat din naman
Na buhay ka, nandito ka.
Nakilala ka, kaibigan ka.
Ngunit sa bawat minutong nandun ako
kada segundo ding nag-iisip
Kung kelan isusuot ang tsinelas
At iuwi ang pusong inuunos.
Napagdesisyunan na magdamag
sa iisang bubong ay palipasin
Susubukang makisalo, makisaya
sa mga dumalong kabarkada.
Matapos ang kainan
Nakihiga na rin kahit hindi makakatulog
pagkat puso'y kumikirot
parang pinipiga, dinudurog.
Kilitiin mo man ang mga paang
Sa kirot ay namanhid na.
Hindi na kayang panindigan
ng mga labi ang ngiting kanina'y pasan.
Naghihintay na lamang
na magbukang liwayway
Para makapagpaalam na
Maiuwi na ang mabigat na dala.
Nang inihatid kami sa may pintuan
di na makayang lumapit sa iyo
pagkat ang mga ngiti mo'y
hindi na kayang masuklian.
Lumayo dahil di nais na
makita mo na sa mga mata
na hindi puyat, kundi tamlay
ang doon nakahimlay.
1 comment:
ang gaganda ng mga tulang isinusulat mo. nangungusap sa kalooban at nagbibigay tanglaw sa kamalayan :)
*hugs*
Post a Comment